Barrio Stories and Other Tales

Barrio

Kumusta Na, Simatutina?



Ngayong tapos na ang John en Marsha at naglaho na si Dona Buding, kumusta na Matuts? Nandiyan ka sa tabi, dala-dala ang iyong bayong. Nag-domestic ka raw ( say mo)...kaya lang, hindi ka nagwalis ng barya sa ilalim ng mga supa sa Hong-kong. Ah, bakit kay bilis ng panahon - Naalala mo pa ba ang linyang, "Ang mga apo kong kasing-ganda ng kanilang lola buti na lang hindi nagmana sa ama etsetera, etsetera."? Nandoon ka sa tabi at nakiki-ayon sa mga salita ni Dona(I porgat). Nakahimlay na siya, diba Matutina? Wala na ang mayamang Reyna na kailangan sumakay ng eroplano para mag-hapunan. O kailangang sumakay ng kotse para makainom ng orange juice. At ikaw, ay, Matutina, miss na miss ko ang iyong linyang, "Gusto mo bang abonohin ko na lang ito, Misis?" Ang tinig ng iyong mataas na boses, ang iyong walang pakundangang panlalait kay Mr Puruntong, kahit na galit na galit sa iyo si John na halos sakmalin ang iyong leeg ay katawa-tawa ka pa rin, kayong dalawa, kayong tatlo, kayong lahat.

Nang matapos na ang John en Marsha, Matuts, saan ka nagpunta? Sino ang pumalit kay John en Marsha at kay Dona (I porgat). Sabi nila'y nagpunta ka sa Hongkong at naglinis ng mga sakong ng mga paang sintigas ng bato. Nagbantay ka ng mga batang walang tigil sa kai-iyak dahil hindi mo maintindihan ang kanilang wika at kultura, at tuwing gabi'y naka-upo ka sa iyong malungkot na sulok at nangangarap na magising uli ang nakahimlay na Dona (I porgat); na sana, bumalik uli si John Puruntong, at peks man, hindi mo na siya aalipustahin. Hindi nangyari ang lahat ng iyon.

Kaya't ikaw ay naglakbay sa iba't ibang dako ng daigdig, dala dala ang iyong bayong - bayong na umuudyok palagi sa aking kuryosidad - ano ang nilalaman ng iyong maliit na bayong Matutina? Mga rekuwerdo ng iyong nakaraan? Mga larawan ng iyong mahal sa buhay: mga anak at asawa? Nakaloob ba rito ang mga liham at tarhetang pinadala ng iyong mga kamag-anak? Nandito ba ang rosaryong lagi mong hinahaplos sa tuwing umaabot sa sukdulan ang iyong kalungkutan? Nandito rin ba ang inukit na santo na binili mo sa Paete, o reseta ng gamot para sa iyong rayuma, or resibo ng mge dolyar na ipinadala mo sa Pinas?

Ah, batid mong hindi na marahil maiibsan ang bigat ng iyong kalong-kalong na responsibilidad. Ang iyong nakaraan na puno ng pangarap at pag-asa'y narito't nakatali sa walis at trapo, walang tigil na utos, at maikling pahinga. Matagal mo nang itinigil ang pagtatanong, sino pa ba ang iyong tatanungin? Tinanong mo ang Diyos, and iyong mga magulang, ang iyong mga kapatid at kaibigan, ang iyong asawa't mga anak, ang mga politiko. Para ka na lang nakikipagboksing sa hangin, sumusuntok sa pader - wala silang kasagutan. At kahit na baluktutin no nang baluktutin ang iyong utak ay hindi mo makakamit ang ninanais mong kasagutan. Matutina, habambuhay kang maglalakad sa iba't ibang panig ng mundo bilang domestic, at sa paglipas ng mga taon ay lalong bibigat ang iyong bayong, hindi dahil sa nadagdagan ang nilalaman nito, bagkus dahil sa humina ka, dahil sa tumanda ka.

Magrebelde ka man o ang bawat Pilipino sa Pilipinas ay walang mangyayari - Ginawa na ito ng milyung milyon noon, hindi lang miminsanang ginawa ito, at ano ang kalutasan? Heto, nandito pa rin tayo, inaawit ang theme song ng pelikulang Miss X - ang Pinay na nagbenta ng laman sa Amsterdam- (Dito ba ang sulok kong hiram, sa ilalim ng araw? Kung saan, kay lalim ng luha, ligaya'y kay babaw?).

Sa ating bayan, matagal nang nawala ang pagmamalasakit. At upang itago sa mga mamamayan ang katotohanan, ang masa ay pinapakain ng kung anu-anong kontrobersya. Bakit nga hindi, mas magandang panoorin ang kapalpakan ng kung sinu sino kaisa sa isipin ang kawalan ng laman ng tiyan, hindi ba? Walang mag-iisip tungkol sa kalagayan ng isang domestic na katulad mo Matutina, dahil ang bansang sinusuportahan ng iyong pawis at dolyar ay walang ginawa kundi kumatay ng sariling mamamayan, kumanta't magdebate sa entablado ng pantasiya, iluklok sa trono ang mga paltos at depektibong namumuno habang ang mga batang pinapalaki natin ay walang lakas, walang talino, ang mge kalakal na pinaplano natin ay naglalahong parang bula, kung ang libong pisong inipon mo noong nakaraang taon ay isang libo noon, siguro ngayon ay halagang limang-daan na lamang.

Bakit?

Ay, Matutina, sino pa ba ang ating tatanungin? Bakit pa tayo magtatanong wala namang sumasagot? Ang sagot nila ay giyera dito't doon, ang sagot nila ay kalamidad dito at doon, ang sagot nila ay panibagong drama dito at doon, ang sagot nila ay panibagong kontrobersya dito't doon.

Dalawang uri lamang ang tao sa mundo - Matutina : ang niloloko at nagpapaloko. Lokohin ka minsan mahiya sila....maloko ka nilang muli eh ikaw ang kahiya-hiya. Diyos na mahabagin! Kung kakainin mo uli ang pagkaing lumason sa iyo noon, eh, huwag mong isiping gagalangin ka ng daigdig Matutina. Hindi ginagalang ang katangahan saan man, kailan man, paano man, sino man.

Sa tuwing naririnig ko ang ugong ng bansangPilipinas, ang paglalaro ng mga namumuno sa mundong kanilang iniikutan at pagkakatangay dito ng mga mamamayan... ako'y nasusuka. Ay Matutina - niloko ka nila noon, ikaw na ang magdusa kung magpapaloko kang muli.

Kapangyarihan ang kanilang laruan, sinisilab ang bansang Pilipinas, inaapoy ang pag-iisip ng mamamayan.Alalahanin mo Matutina, nangyari na ito noon. Huwag kang makipaglaro sa kanila, huwag kang sumakay sa emosyong kanilang balak na buhayin sa iyong damdamin. Ang kanilang awayan ay awayan ng kanilang klase; ang kanilang pag-paparatang sa isa't isa ukol sa milyun milyong balato't suhol ay sa kanilang klase lamang nauukol. Matutina, ang klase nila ang nakikinabang at kumikita, bakit ikaw at ang katulad mo ang pinagbabayad at pinagdurusa? Inaakay ka nila, tinatagay ka nila sa kanilang pagkakalunod.

Wika nila'y nawawalan ng pondo ang Stock Market, sino ba sa Pilipinas ang may pera sa Stock Market kundi sila sila rin?

Ang Nanay ko ni hindi alam kung ano ang stock market. Ang tanging alam niya ay mas mahal ang sibuyas ngayon keysa noon. Mas mataas ang dolyar ngayon, keysa noon.

Ang pagkakamali ng aking Ina ay ilagay ang kinabukasan ng ating bansa sa kamay ng walang malasakit. Ito'y payo ko sa iyo Matutina...ibaling mo ang iyong mata palayo sa mga walang malasakit, hayaan mo silang malunod sa kanilang kabuktutan. Huwag kang magpatangay sa kanilang kadramahan at kontrobersya , dahil, wala silang pakialam kung bumagsak man ang bansang Pilipinas o hindi, sa limpak-limpak na salaping kanilang kinupkop na ay mamumuhay pa rin silang masagana kahit maglaho ang Pilipinas sa mapa ng mundo.

Habang ikaw ay nagdurusa, Matutina. Sino ang aako sa bansang Pilipinas? Hindi sila na nagpabagsak nito.

Ang mga walang malasakit kailanma'y walang puso, mayroon silang matatamis na labi at pangako pero walang puso. Huwag kang umasang ang politika ay daigdig ng may puso. Ay, Matutina, huwag ka nang magpapaloko uli - huwag kang sumakay sa kontrobersyang pinapakain sa iyo ng pulitika at midya ng Pilipinas, bagkus, tingnan mo ang kaisa-isang tagapagligtas ng iyong bayan.

Hindi siya politiko, Matutina.

Ibaba mo ang iyong mga mata at itaas ang iyong kamay.

Ang kamay ng bawat ordinaryong Pinoy ang magmamalasakit sa ating bayan, Matuts. Ang ordinaryong Pinoy ang pusong uunawa sa ating bayan. Hindi ang mga politika. Hindi ang midya. Hindi sila.

Malapit na ang Pasko diba Matuts? Nandito na naman tayo, katulad ng nakaraang maraming Pasko. Trabaho dito, kayod doon. Naglalakad sa mga kalyeng hindi natin kilala. Tumatanggap ng utos sa mga taong hindi natin kilala. Kailangan ng ating pamilya ang mga bagong damit. Kailangan ng ating pamilya ang pambili ng keso de bola. Kailangan ng ating bansa ang dolyar. Kailangang mapuno na naman ang bulsa ng mga matatakaw at walang malasakit.

At uupo tayo upang manalangin, habang hinahaplos ang bayong na naglalaman ng ating papaliit na papaliit na pagka-Pilipino.

At alam mo ang aking dasal, Matuts, diba, alam mong hindi ako sagrado.

Naway isumpa ni Bathala ang lahat na nanloko at nanloloko sa ating bansa. At sana, magsayaw sila ng pandanggo sa ilaw, sa impiyerno.

Alex Maskara

Barrio Tales